Subscribe:
Subscribe Twitter Facebook

Saturday, September 3, 2011

CDO-Kadahilayan 55K Ultra Trail Marathon

I swore that I missed doing ultras when I left for Australia. I failed to join my supposedly come back ultra in Cebu because I have to catch up a flight for my business trip. Ang hirap talagang maging k!!!

Kaya naisipan kong salihan ang pinakamalapit na Ultramarathon pagbalik ko ng Pinas. At boom! Swak ang CDO-Dahilayan Ultra ni boss Francis (BDM batchmate) sa aking hinahanap. First day pa lang ng registration  bago ako tumulak papuntang Australia, nagparegister na ko. Pati flight ko, pinaayos ko na rin! Ganyan ako ka-excited!

PRE-RACE

It was my first trip to CDO. I really don't know what to expect there except that we stayed in the city proper. I had reserved that place a week before the race (talk about cramming) with Ambo and Blas, my fellow UNGAS-es.

At dumating ang araw ng paglipad. Ang aga ng flight namin papuntang CDO. Buti na lang at sanay ng gumising ng maaga kaya walang problema ang aking trip patungong airport. Pag check-in, derecho na ko sa gate para sa aking flight. Check ng email at laro ng kaunti habang nag-aabang, mukhang madami nga ang pupuntang CDO.

Lilipad na nga lang ng may kalokohan pang nangyari sa akin. Muntik na kong mawalan ng wallet!!! As in, namutla, nanlumo, nagmura, nagmukhang-tangang hinanap ang wallet ko sa kung saan-saan. Paksyet, paano na ako mabubuhay sa CDO kung wala kong wallet?! :((. Buti na lang at may magandang loob na nagsauli ng wallet ko pagtapos ng ilang sandali. Nahulog pala dun sa kinaupuan ko kanina. Laking pasasalamat at nawala din ang kaba, sumakay na kami ni Blas sa aming eroplano.

Paglapag ng CDO, unang napansin ko ang aming tatahaking daan. Amp, puro ahon at burol!!! Kaya pala ang lakas ng mga taga-dito dahil sa kanilang lugar ng ensayo! Ito pala ang sikreto nina Francis sa kaniyang malupit na oras sa BDM 102.

Pinili naming mag-jeep ni Blas papuntang siyudad pagkat mas mura at tipid. Buti na lang at madalas si Blas dito noon kaya alam na niya ang mga pasikot-sikot. Nag-2 sakay pa kami kasi hindi dumerecho ang jeep papuntang bayan. Mga 10 na ata nung marating namin ang aming tutuluyan.

Pagkakuha ng aming racebib, agad akong nagpahinga at bumawi ng tulog. Gabi pa ang dating ni Ambowt kaya pagkagising, sinubukan kong lumibot ng kaunti. Malapit lang ang starting line namin bukas mula sa aming tinuluyan. Kayang-kayang lakarin!

Nung gabi, nagcarboload ng isang bandehadong pansit at kaunting sinuglaw (must-try pag nagawi kayo dun! kinilaw na isda na may liempo) bago naghanap ng supplies kinabukasan. Balik na sa tinutuluyan at pahinga dahil mahaba-haba pa ang tatahakin bukas!

RACE DAY

Nagising ng maaga, nagbihis at dumerecho papuntang finish line. Matagal-tagal din akong walang mahabang takbo at sa bigat ng aking katawan, di talaga ko umaasa na kakaripas sa takbuhang ito. Isa pa, ito ang aking paghahanda para sa nalalapit na Milo elims sa katapusan ng buwan pati bubunuin ko naman ang Fort Magsaysay Ultra sa susunod na Linggo. In-short, bawal mag-adik at dapat i-enjoy lang ang ruta ng karera.

Pagdating sa starting line, sinalubong kami ng ilang adik at mga mananakbong mula sa iba't-ibang bahagi ng bansa. Andun ang Ungo na galing Cebu, ang mga taga-Iligan na malulupit, CB at syempre ang IlabBoring. Nandun din si Berns at Irene na i-pace ni Mr. Pogi 1996 Bong Bernardez. Matapos ang maikling programa at pagpapakuha ng litrato, pinutok ang baril bilang hudyat ng simula...

Km 00 - 10

Sa sobrang excited, may isang bagay akong nakalimutan... STRETCHING!!! Dahil matagal ko na ring di nagagamit ang trail shoes ko, nanibago ang aking mga paa sa simula ng karera. Ambigat at masakit ang aking calves/shin pero buti na lang at medyo nasanay na rin kaya dahan-dahan nakabalik sa pacing. Ramdam na agad ang ahon sa simula pa lang pero kailangang medyo makapondo para di abutan ng sikat ng araw.

Naalala ko dun sa race guideline na madaming kakaibang ahon na aming dadaanan. Pwes, sa km 4 pa lang, isang malupit na ahon ang sumalubong sa amin!!! Amp, sobrang taas at steep ng ahon na hindi ko talaga kayang takbuhin! Kaya walkathon ang ginawa para makatipid ng lakas.

Parang walang katapusan ang ahon. Sumasakit na ang aking paa at likod dahil sa aking dala pero wala pa rin. Di kaya ng light jog, talagang lakad dahil na rin sa 5 kg. bag na suot ko sa likod. Tiis na lang at alam kong matatapos din ito. Kaya pagdating sa lugar na medyo patag, ayun pumondo na uli. Kapagod...

Km 11 - 20

Trail na ang aming dinadaanan. Mini ahon nung km 11 - 14 sa isang mabato at malubak na daan. Pilit kong tinataasan ang bilis pero naisip kong medyo malayo pa to kaya kailangan tipirin ang lakas. Pababa ang daan papuntang km 15 pero dahil malubak, ingat pa rin at baka matalisod. Naabutan ko si Ambowt sa checkpoint at naalala ko pa yung makulit na timekeeper na kumuha ng bib number ko. Amp, maingay!

Lakad ng kaunti sabay light jog ang ginawa. Ramdam ko na ang pagod dahil sa kulang sa ensayo at ahon na ginawa nung una. Buti na lang at andyan si ambowt para masabayan. Naabutan pa namin si Sir Raul ng ARC na support ni Michelle para sa race (una't-huling beses na nakita namin sa buong karera). Uminom ng kaunting tubig at kumain ng kaunting saging bago tumakbo uli.

Km 17 nung makarating kami sa isang barangay na namimigay ng mga higanteng saba! Ang mga sabang matitigas na parang tira-tira. Naisipan ko sanang magbaon kaso sa sobrang bigat ng dala ko, kumagat lang ako ng kaunti bago tinapon. Sayang kasi ok din yung baon. Dun ko rin naabutan si sir Francis na nag-abisong may mahirap na ahon na naman pagdating sa km 19. Oo nga...

&%*$(%!!! Ahon na naman!!! Mas malupit ang ahon na ito kasi: 1. Mabato at steep 2. Pabilog (di mo alam kung kailan matatapos). Masasabi naming steep ito kasi umiiyak ang makina ng motorsiklong dumaan sa amin. Dahil ayaw naming maubusan ng lakas, lakad-galore na naman kami ni Ambowt. Wala kaming magawa at ayaw namin masunog agad...

Km 21 - 30

Naabot namin ang dulo ng malupit na ahon pagsapit ng km 24. Nagsimula namang maging rolling hills ang daan (ahon-pababa-ahon) na mabato at malubak. Maganda ang pacing namin nung medyo pumatag at nakita pa namin ang long-lost twin sister(bro?) ni Simply_Carly. Sayang, di ko nakunan ng litrato pero sa malayo talagang aakalain mong si Carly sa get-up at running form.

Isa pang malaking ginhawa sa lugar na ito ay maganda ang simoy ng hangin dahil na rin sa mga puno. Di pa gaano mainit kasi mahangin. Dito kami unti-unting bumawi ni Ambowt, 5-2 galloway para hindi mapagod agad. Kaso ako'y minalas. Km. 27, umatake ang pulikat.

Syet, malas talaga. Di na ko makatakbo ng matino. Pero gusto kong tapusin ang karera. Kaya chillax lang, tuloy pa rin ang pagtakbo. Dito rin pala namin nadaanan ang unang pinyahan. Akala nga namin papunta na kaming Tagaytay :)).


KM 31-40

May nadaanan kaming isa pang barangay. Nakaka-4 na oras na kami sa takbuhan pero oks pa rin, medyo alalay kasi baka atakihin ng pulikat. Tuka ng isa pang Alaxan pangkontra sa sakit at baka umatake si ITBS. Dito inalok si Ambowt ng tubig sa kakaibang paraan. Napangisi na lang siya kasi may hitsura yung "nag-alok" sa kaniya :)).

Ito yung daan papuntang plantasyon ng Del Monte. May parte nito na umikot pa kami sa kanilang Bgy, Hall upang kumain ng pakwan at uminom ng tubig. Dito rin nagsimula ang sangkatutak na pinya sa aid station. Ibang klase talaga ang pinya sa Mindanao, kakaiba ang tamis!

May nasabayan din kaming isa pang Ultravirgin na lalahok sa Camsur. Pinatikman kami ng kakaibang suman (nakalimutan ko na ang pangalan, suman siyang may bao sa gitna). Ibang klase, tinanong ko nga kung saan nabibili. Sabi niya, inorder niya lang yun. Sayang, di tuloy ako nakapag-uwi (amp, food trip ang takbuhang ito)

Inabutan kami dito ni Papi Jonel at Jael na steady ang pacing. Pumipitik-pitik ang pulikat pero pilit na tinatakbo hanggang kaya. Kada aid station nagpapabuhos para di mainitan kaso talagang kakaiba ang ruta nito pagkat umabot kami sa pangatlong malupit na ahon na naman! Maikli pero steep na ahon, hindi siya ok para sa akin pagkat pinupulikat na talaga ko. Kaso iba talaga pag adik, kailangang takbuhin!

Km. 41 - 50

Nasa km 41 ang community ng mga empleyado ng Del Monte. Parang nasa ibang bansa ka lang o kaya UPLB pagkat maganda ang ammenities. May malaki silang parke kung saan may football/soccer field. Pero hindi yun ang pinunta namin. Nandun kami para tapusin ang karera.

Dito nagsimula ang tunay na kalbaryo. Ang tindi ng init ng araw ay nagsimula na. Ang daanan namin ay kaparangan na walang lilim, malubak, maalikabok at maraming dumadaang sasakyan. Ramdam ko na rin ang pulikat na umaakyat sa likod kaya di makabanat ng matino. Konting-tiis na lang sabi ko sa sarili ko. Si Ambowt ang talagang nag-push sa akin para tumakbo pa bagamat alam kong mahirap na.


Sangkatutak na pinya, tubig na nasa supot at kaunting yelo ang bumuhay sa amin. Pagdating sa km 47, iyon na marahil ang huling aid station papuntang finish line. Kaunting ahon pa at lubak matatapos din ang karera. Naalala ko pa nung umupo ako sandali para magpahinga pero nung maanigan kong may kasunod, agad akong bumangon para hwag matuhog :))


Limang kilometro pa at matatapos din kami!

Km 51-55

Sa wakas limang kilometro na lang! Yun ang nasa loob ko kaya dahan-dahan pumondo para sa finish line. Aabot kami ng sub-8! Basta babanatan namin ang huling 3 km. Ang ganda ng plano! As in!

Pagdating ng km 52, nagsimula na kaming pumondo uli. Takbo! Habulin ang target oras! Parang nawala ang pulikat sandali nung sinimulan naming tumakbo uli. Ngunit 500 meters pa lang ng ako'y may makita. Isang poster na nakapaskil kung gaano pa kalayo. "Dahilayan Adventure Park - 5 km". AMP!!! Kami'y nalinlang!

Simula noon, nawalan na kami ng pag-asa. Lalakarin na lang namin ang huling bahagi ng karera. Nilinlang kami ni Francis!!! (uso na talaga sa Ultra ang mga pa-bonus!). Ayun, lakad-galore na naman kami. Nagpa-iwan pa ko ng kaunti pagkat masakit na ang paa ko. Pinauna ko na si Ambowt at baka maurat lang siya sa akin.

Di makatarungan ang huling bahagi nito. Matinding ahon sa lubak na kalsada. Ramdam ko na rin ang sugat sa aking balikat dulot ng dala kong bag. Hindi ko rin pala nabawasan ang laman nito pagkat may nalasahan akong di maganda. Kaya wala ring kwenta. Gusto ko na talagang matapos ang karera!

At hindi nga nagbibiro yung nakita naming poster. Sa km 55, nakita namin na 2 more kms before the finish line.

Km 56 - Finish Line

Nanlumo man, sinabi ko sa sariling tatapusin ko ang karerang ito. Yun lang di makabanat dahil sa pitik ng pulikat at sobrang tarik ng daan. Umulan pa! Wala akong ideya kung hanggang saan matatapos ito pero desidido na talaga kong matapos.

Sa wakas, naaninag ko na ang Adventure Park. Nandun na nakaparada ang ilang sasakyan. Pero wala pa rin akong ideya kung nasaan ang finish line! Kaya jog muna para mabuhayan ng loob. Nakita ko dun si Sir Raul at sinabing last 100 meters na lang. Bumanat ako at muntik na kong lumagpas! Umatake pa ang lecheng pulikat!

Awa  ng Diyos, natawid ko ang finish line sa ganap na 8++ na oras! (Sinabihan ko si Francis na na-denggoy niya kami sa layo, Ultramarathon organizer nga siya :)) ).

POST RACE

Buti na lang at may masarap na pagkain sa dulo! Lechong baka at baboy! Simpleng programa para ihayag ang mga nanalo at masaya dyan, pagtapos ng lahat, zip-line to the max! Kasama si yaya ambowt, kung saan-saan kami sumakay na parang di kami tumakbo ng 55 km :))

Ito na siguro ang pinakamahirap na 55 km trail na nagawa ko. Tignan natin sa mga susunod na kabanata!

No comments:

Post a Comment

Proudly Pinoy!